Home METRO P.6M shabu nakumpiska, 2 HVI timbog sa Pasay

P.6M shabu nakumpiska, 2 HVI timbog sa Pasay

MANILA, Philippines – Nadakip sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (DDEU-SPD) ang dalawang high value individual (HVI) na nakuhanan ng P680,000 halaga ng hinihinalang shabu sa Pasay City Lunes ng hapon, Abril 8.

Kinilala ni SPD director P/Chief Supt. Mark Pespes ang mga inarestong suspects an sina alyas Ata, 16, na target sa isinagawang operasyon; at ang kanyang kasabwat na si alyas Ced na isa ring HVI.

Sinabi ng tagapagsalita ng SPD na si P/Major Hazel Asilo na nalambat ang dalawang suspects sa ikinasang buy-bust operation mag-aalas singko ng hapon sa Celeridad St., Barangay 111, Pasay City kung saan si alyas Ata ang target ng naturang operasyon.

Sa naganap na operasyon ay narekober sa posesyon ng mga suspects ang tig-50 gramo na may kabuuang 100 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P680,000.

“Napakabata para maging HVI. Isa na po siyang pusher. Nagkataon na nandun ‘yung kasamahan na may hawak din na 50 grams,” ani Asilo.

Ayon kay Asilo, inamin ng mga suspects na sakop ng kanilang ilegal na aktibidad ang pagbabagsak ng kontrabando sa mga lugar ng Makati, Cavite at Pasay kung saan kanilang nakukuha ang mga produkto sa Taguig.

Dahil sa menor de edad, si alyas Ata ay dinala sa Bahay Pag-asa para isailalim sa karagdagang pagsusuri habang nakapiit naman si alyas Ced sa detention facility ng DDEU. (James I. Catapusan)