MANILA, Philippines – Tumangging kumpirmahin ng Department of Justice (DOJ) na maaring maglabas na ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) sa Septyembre laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa iba pang inireklamo sa nakalipas na war on drugs.
Sinabi ni DOJ undersecretary Raul Vasquez na walang natatangap na anumang impormasyon ang kagawaran hinggil dito.
Una nang ibinunyag ni retired Supreme Court senior associate justice Antonio Carpio na may nakuha siyang impormasyon na posibleng ilabas na umano ng ICC ang arrest warrant laban kay Duterte at sa iba opisyal ng dating administrasyon.
Nilinaw ni Vasquez na hindi rin batid ng iba pang ahensya ng pamahalaan ang sinasabing nakalap na impormasyon ni Carpio.
Dagdag ni Vasquez, kahit hawak na ng Interpol ang arrest warrant at magpadala na ng red notice sa Pilipinas, sa huli aniya ay ang Philippine authorities pa rin ang magpapasya kung ipatutupad ito o hindi.
Ipinaliwanag ni Vasquez na kinikilala ng Pilipinas ang pagiging miyembro nito sa Interpol kahit kumalas na ang bansa sa ICC.
“Tanggapin mo man ‘yan bilang obligasyon mo, hindi mo puwedeng itapon, pero remember na lahat ng red notice may or may not be allowed, depending on the determination of the local authorities,” ani Vasquez.
Sakaling mag-isyu na ng red notice ang Interpol, ito ay ipapaalam pa rin sa Philippine National Police (PNP) na nagsisilbing Interpol National Central Bureau ng bansa.
Ang PNP aniya ang coordinating body ng bansa na siyang magpapatupad ng arrest wsrrant sakaling dumating ang panahon. Teresa Tavares