Home NATIONWIDE DOJ: Clemency para kay Mary Jane Veloso nasa kamay na ng Pangulo

DOJ: Clemency para kay Mary Jane Veloso nasa kamay na ng Pangulo

MANILA, Philippines- Ikinatuwa ng Department of Justice (DOJ) ang pahayag ng Indonesia na igagalang nito ang posibleng pagkakaloob ng clemency sa death row convict na si Mary Jane Veloso.

Gayunman, sinabi ni Justice spokesperson Mico Clavano na nakasalalay pa rin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung pagkakalooban ng clemency si Veloso.

Nasa Konstitusyon aniya na ang presidente lamang ang may prerogative na magbigay ng executive clemency sa sinumang person deprived of liberty.

Pinag-aaralang maigi aniya ng Pangulo ang lahat ng aspeto na kailangan balansehin gaya ng apela ng pamilya at ang naging hatol kay Veloso sa Indonesia.

Una nang sinabi ni Indonesian senior minister for law and human rights affairs Yusril Ihza Mahendra na nasa kamay na ng Pilipinas ang desisyon sa magiging kapalaran ni Veloso.

Inaasahan na makauuwi ng Pilipinas si Veloso bago mag-Pasko.

Si Justice Undersecretary Raul Vasquez at iba pang opisyal ay nasa Indonesia na para talakayin ang nga detalye ng pagbabalik ni Veloso. Teresa Tavares