Home NATIONWIDE Escudero: ‘Di tiyak kung may sapat na oras sa impeachment trial ni...

Escudero: ‘Di tiyak kung may sapat na oras sa impeachment trial ni VP Sara

MANILA, Philippines- Hindi nakatitiyak si Senate President Francis Escudero na magkakaroon ng sapat na oras ang Senado bilang impeachment court sakaling maisampa ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Escudero na sakaling maisampa ang Articles of Impeachment laban kay Duterte, hindi masasabing sasapat ang panahon dahil sa papalapit na halalan at pagtatapos ng 19th Congress.

“Hindi ko alam kung may oras nga ba o wala dahil kada impeachment iba-iba ang proseso,” ayon kay Escudero.

“Pero ano mang trabaho ang ibabato sa Senado, susubukan naming gampanan dahil tungkulin naming yun na dinggin anumang kasong ihahain sa amin,” dagdag ng senador.

Inihalimbawa ni Escudero ang kaso ni yumaong dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona na umaabot sa mahigit anim na buwan mula Disyembre 2011 hanggang Mayo 2012.

Aniya, hindi election year ang naturang panahon kaya maraming oras ang Senado bilang impeachment court.

“‘Yung taong yun walang eleksyon. So iba-iba yung time table so hindi ko kayang sagutin kung kakayanin pa nga ba o hindi,” paliwanag ni Escudero.

“Ang impeachment proceedings ay unique na proseso na hindi saklaw at labas sa ordinaryong sesyon ng Senado kung saan kailangan nagse-sesyon din ang aming counterpart sa Kamara de Representantes,” dagdag ng senador.

Sinabi pa ni Escudero na mayroong ilang isyu na dapat pang linawan tulad kung ipagpapatuloy ang impeachment complaint kapag tapos ang 19th Congress.

“Dapat tignan at pag-aralan at suriin din kapag ito ay inabutan sa anumang stage, hindi pa nare-refer sa amin o na-refer na sa amin ng pagpasok ng 20th Congress, tanong ang bibitawan ko katulad ba ito ng ibang bill na kailangang magsimula ulit? Back to square one o magsu-survive ba ito ng 19th Congress at tatawid sa 20th Congress?” ani Escudero.

“Tiyak ko may magkukwestiyon sa korte niyan dahil unique at bagong proseso ito,” patuloy niya.

Sa ngayon, ayon kay Escuero, hindi pa naghahanda ang Senado para sa impeachment trial ni Duterte.

“Sa ngayon wala kaming initial preparations,” aniya saka ipinaliwanag na nakasandig ang gagamiting Rules sa impeachment procedures sa endorsement ng complaint na ihahanin sa Kamara.

Idinagdag pa ng lider ng Senado na hindi ito pagpapayuhan ang kasamahan na maghanda sa posibilidad ng impeachment trial.

“Ayokong i-assume yung mangyayari at ayokong pangunahan. One way or the other dahil kapag sinabi kong maghanda na, magsimula na kayo, mag-ready-get-set pero wala pang go, baka isipin ako’y pumapabor o kumikiling sa paghain o pag-sampa,” giit niya.

“Kung sa tingin nila malaki ang posibilidad na kailangan na magsimula mag-aral, nasa sa kanila ‘yon. Kung mabilis naman sila mag-aral, mabilis matuto hindi pa siguro muna kailangan hanggang nandiyan na,” dagdag ng senador.

Nahaharap sa dalawang impeachment complaint si Duterte mula sa ilang grupo dulot ng umano’y paglustay sa kaban ng bayan, at iba pang kaso sa paggamit ng confidential funds at pagbabanta. Ernie Reyes