MANILA, Philippines- Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Biyernes na nakikipag-ugnayan na ito sa ibang mga ahensya sa paghahanda sa rally ng Iglesia ni Cristo (INC) laban sa pag-impeach kay Vice President Sara Duterte.
“Well, may coordination naman tayo sa pulis, sa LGU. Ang ano po natin dyan, ima-manage po natin yung traffic, we will make sure na passable ang mga kalsada,” pahayag ni MMDA Chairperson Romando Artes sa isang press conference.
“Magco-coordinate din po siguro doon sa organizer ng rally para po magkaroon ng proper coordination at make sure na yung mga raliyista po ay hindi makakaabala sa traffic,” patuloy ng opisyal.
Hanggang nitong Biyernes, walang natanggap na detalye ang MMDA ukol sa mga lokasyon at ruta ng religious group sa isasagawang rally.
Inanunsyo ng INC ang rally nitong Miyerkules sa isang programa sa media outlet ng INC.
“Ang mga kapatid sa INC ay naghahanda na magsagawa ng rally upang ipahayag sa lahat ng kinauukulan na ang INC ay pabor sa opinyon ni Pangulong Bongbong Marcos na hindi sumang-ayon sa isinusulong ng ilang sektor na impeachment dahil maraming problema ang ating bansa na dapat unahin ng pamahalaan,” pahayag ng television host.
“Ang INC ay para sa kapayapaan. Ayaw natin sa anumang uri ng kaguluhan na manggagaling sa anumang panig,” dagdag pa. RNT/SA