MANILA, Philippines- Makikipag-ugnayan ang Department of Justice (DOJ) sa Philippine National Police (PNP) para sa imbestigasyon laban kina retired police Colonels Royina Garma at Edilberto Leonardo sa pagpatay kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga.
“Kami talaga makikipag ugnayan kami mismo sa PNP-CIDG upang malaman, upang mabukas muli ang imbestigasyon na ito,” pahayag ni Justice Undersecretary Nicky Ty sa isang panayam.
Kasunod ito ng panawagan ni House Quad Committee (QuadComm) lead chairperson at Surigao del Norte representative Ace Barbers sa DOJ na maghain ng murder charges laban kina Garma at Leonardo.
Ito ang inihirit ni Barbers sa gitna ng mga salaysay nina Police Lieutenant Colonel Santie Mendoza ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-PDEG) at police informant Nelson Mariano.
Inakusahan ng dalawa si dating PCSO General Manager Garma at dating Napolcom commissioner Leonardo ng pag-uutos na patayin si Barayuga dahil sa pagkakasangkot umano ng huli sa drug trade, na lumabas na hindi umano pagkakasundo sa PCSO game Perya ng Bayan.
“Mabigat talaga ‘yung masasabi nila, ano? So mabuti talagang maumpisahan na ‘yung imbestigasyon dahil matagal na. Matagal nang nangyari itong pag papaslang kay Barayuga, 2020 pa,” giit ni Ty.
“So kailangan namin maungkat ‘yung mga imbestigasyon dito, kung may imbestigasyon man ginawa ‘yung PNP dati. Kailangan natin maungkat ito at ma connect ito doon sa mga testimonya na dalawang prinesente sa QuadComm,” dagdag niya. RNT/SA