Home NATIONWIDE DOJ naghain ng perjury, cyber libel cases vs Baligod, 18 ‘maleta boys’

DOJ naghain ng perjury, cyber libel cases vs Baligod, 18 ‘maleta boys’

1
0
TINGNAN: Humarap sa NBI ang 16 sa 18 umano’y dating Marines na nagpakilalang “bagmen” ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, upang tumalima sa subpoena kaugnay ng kontrobersyal na alegasyon ng kickbacks sa flood control projects. | Cesar Morales

MANILA, Philippines — Naghain ang Department of Justice (DOJ) ng mga kasong perjury at cyber libel laban sa 18 dating bodyguard ng puganteng dating mambabatas na si Zaldy Co at sa kanilang abogado na si Levito Baligod sa apat na Regional Trial Court sa Metro Manila.

Sinabi ni DOJ spokesperson Polo Martinez na inihain nitong Martes ang mga Information sa mga RTC sa Caloocan, Las Piñas, Muntinlupa, at San Juan.

“The Informations were filed in strict adherence to the applicable rules on jurisdiction and venue. Filing all the cases in a single venue, without a legal basis for each offense, would itself be contrary to those rules,” ani Martinez.

“For cyber libel, venue is determined under Section 2.1 of the Rule on Cybercrime Warrants. For perjury, venue generally lies where the allegedly false affidavit was subscribed and sworn,” dagdag niya.

Nag-ugat ang mga kaso sa paggawa at pagpapakalat ng isang joint sworn statement, gayundin sa mga kaugnay na press conference, panayam, social media posts, at iba pang online publication.

Nahaharap ang tinaguriang 18 “maleta boys” sa 10 magkakahiwalay na Information para sa anim na bilang ng cyber libel sa ilalim ng Section 4(c)(4) ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, at apat na bilang ng perjury.

Isinama si Baligod bilang co-accused sa ilang Information. Magsasampa rin laban sa kaniya ng hiwalay na isang bilang ng cyber libel, habang ibinasura ang iba pang reklamo dahil sa kakulangan ng prima facie evidence with reasonable certainty of conviction.

Ayon sa DOJ, inaprubahan ang pagsasampa ng kaso matapos suriin ang mga ebidensyang isinumite ng mga panig sa preliminary investigation.

Iginiit naman ni Baligod sa isang social media post na ikinalat sa iba’t ibang hukuman ang mga kaso upang pahirapan sila at isinampa ang mga ito bago pa sila makapaghain ng motion for reconsideration. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here