MANILA, Philippines – Panahon na upang bumalangkas ng batas ang Pilipinas na magtatalaga ng tinatawag na “designated survivor” gaya ng ginagawa ng Estados Unidos, Japan, Canada, United Kingdom at Japan.
Iminungkahi ni retired Supreme Court Justice Reynato Puno na dapat pagtuunan ng pansin ng Kongreso at ng executive department ang sitwasyon na hindi napag-isipan ng gawin ang 1987 Constitution.
Naungkat ang usapin ng pagkakaroon ng “designated survivor” ng ihayag ni Vice President Sara Duterte na hindi ito dadalo sa State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos dahil itinatalaga nito ang sarili bilang “designated survivor”.
Nabatid na sa Estados Unidos, ang “designated survivor” ang indibidual na itinalaga na pumalit sa pangulo at hindi maaring kasali kapag ang nagtitipon ang lahat ng matataas na opisyal ng bansa.
Naniniwala si Puno na ang pagtatalaga ng successor sa pangulo ay mahalaga sa gitna na rin ng patuloy na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina kaugnay sa West Philippine Sea.
Layon aniya nito na maiwasan na magkaroon ng “power vacuum” sa pamahalaan sa panahon ng emergency o krisis kung saan permanenteng mawawala ang lahat ng opisyal ng pamahalaan.
Gayunman, binalewala ng ilang mambabatas ang pahayag ni Duterte at sinabing hindi dapat ginagawang biro ang seguridad ng Pangulo. Teresa Tavares