MANILA, Philippines – Nagbabala si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa mga tiwaling tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na huwag magtangka na samantalahin ang sitwasyon ng mga dayuhan mangagawang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na nakatakdang paalisin sa bansa.
Aminado si Remulla na mayroon mga tiwaling tauhan ng BI na maaring gagawa ng paraan upang perahan ang mga dayuhang empleyado ng POGO partikular ang mga chinese nationals.
“Alam naman natin ano ito, eh, palabigasan ito na maraming corrupt elements within the BI. Huwag na nilang isipin ‘yon. Let’s help the President wrap up this problem,” ani Remulla.
Babala ng kalihim, makakatikim ng kaukulang parusa ang sinumang tauhan ng BI na gagamitin ang sitwasyon upang makapangikil ng pera sa mga dayuhang POGO workers.
Magugunita na sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inihayag nito na bawal na ang lahat ng POGO sa bansa kung kaya inatasan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na itigil na ang operasyon ng lahat ng POGO bago matapos ang taong kasalukuyan. Teresa Tavares