Home NATIONWIDE DOJ sang-ayon sa Rules on Anti-Terror Law

DOJ sang-ayon sa Rules on Anti-Terror Law

MANILA, Philippines – Bukas ang Department of Justice sa inilabas na Rules ng Supreme Court kaugnay sa pagpapatupad ng Anti-Terrorism Act of 2020.

Sinabi ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano na batid ng DOJ na kailangan ibalanse ang karapatan ng bawat mamamayan at ang pinagsama-samang karapatan ng sambayanang Pilipino.

Welcome sa kagawaran ang mga alituntunin ng Supreme Court upang matugunan ang mga pinag-aawayan na usapin gaya ng pagbansagan sa isang indibidwal o grupo bilang terorista, ang pagsasagawa ng surveillance at pagkulong ng walang judicial warrant of arrest.

Sang-ayon ang kagawaran sa inilabas na Rules kung saan nagsilbi aniyang referee ang Supreme Court para matiyak na walang karapatan ang matatapakan.

Magugunita na umabot sa 37 ang bilang ng mga petisyon na isinampa sa SC upang mapawalang-bisa ang Anti-Terror Law ngunit pinagtibay pa rin ng SC ang naturang batas.

Iginiit ni Clavano na kailangan masugpo agad ng bansa ang problema ss terorismo kung kaya bago pa man ito mangyari ay kailangan nang pigilan.

Meron na aniyang natatangap na impormasyon at intelligence ang kagawaran na merong mga international terrorist groups na pumupunta sa bansa upang mag-recruit at magsanay dito sa Pilipinas.

Samantala, iginiit naman ni Bayan Muna chairperson Neri Colmenares ang posibleng chilling effect sa oposisyon sa pagpapatupad ng Anti-Terror Act of 2020.

Aniya, ang naturang batas ay binuo noong Duterte administration upang mapatahimik ang oposisyon. Teresa Tavares

Previous articleNo fly zone, signal jamming ipatutupad sa Traslacion 2024 – PNP
Next article#WalangPasok ngayong Huwebes, Enero 4