MANILA, Philippines — Ikinalungkot ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagsuspinde ng korte sa P85 arawang dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa Metro Manila.
Kinumpirma ni Labor Secretary Francis Tolentino na naglabas ng temporary restraining order (TRO) ang isang lokal na korte matapos kuwestiyunin ng hindi bababa sa dalawang kumpanya ang wage increase.
“Malungkot ako para sa mga manggagawa pero susnod tayo sa utos ng husgado,” pahayag ni Tolentino.
“Kung ano man ang naging basehan ng husgado sa paglalabas ng TRO, hayaan na po natin na sila ang magpaliwanag,” dagdag niya.
Nakatakda sanang ipatupad noong Hulyo 25 ang unang tranche na P60, habang sa Enero 2027 naman ibibigay ang natitirang P25.
Inanunsyo ni Tolentino noong nakaraang buwan ang P85 dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa Metro Manila.
Sinabi rin ng kalihim na nagpapatuloy ang deliberasyon para sa dagdag-sahod sa Calabarzon, Central Luzon at Central Visayas. Jocelyn Tabangcura-Domenden