MANILA, Philippines – Nagsanib puwersa ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Landbank of the Philippines para sa bagong online payment facility na Link.Biz Portal.
Kapwa nilagdaan ang Memorandum of Agreement sa pagitan ni Department of Labor and Employment Secretary Bienvenido E. Laguesma at ni Land Bank of the Philippines President and Chief Executive Officer Lynette V. Ortiz.
Layunin ng kasunduan na pabilisin at pagaanin ang mga transaksyon ng publiko sa pamamagitan ng online payment collection sa mga tanggapan ng DOLE sa central at regional offices, alinsunod sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang digital government services.
Sa pamamagitan ng naturang sistema, maaari nang magbayad ang mga kliyente sa loob at labas ng bansa gamit ang LANDBANK accounts, iba pang BancNet member banks, GCash, at Maya, na may agarang kumpirmasyon ng bayad bilang patunay ng transaksyon.
Sa tulong nito, inaasahan din na mababawasan ang oras ng pagproseso at mawawala na ang pangangailangang bumalik pa sa tanggapan para lamang kumuha ng opisyal na resibo, bilang bahagi ng modernisasyon ng serbisyo at pagpapahusay ng karanasan ng kliyente. Jocelyn Tabangcura-Domenden