Home NATIONWIDE DOLE nagbigay ng 8k permits sa mga dayuhang manggagawa mula Enero ‘gang...

DOLE nagbigay ng 8k permits sa mga dayuhang manggagawa mula Enero ‘gang Abril 2024

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Miyerkules, Mayo 8, na nakapag-isyu ito ng nasa 8,000 alien employment permits (AEP) sa mga dayuhang manggagawa na nagtatrabaho sa licensed internet gaming operators sa bansa ngayong taon.

Ang pahayag ni Secretary Bienvenido Laguesma ay paglilinaw na itinigil lamang ng DOLE ang pag-iisyu ng AEP sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) firms kasunod ng imbestigasyon ng Senado sa umano’y kaugnayan nito sa mga illegal na aktibidad noong 2023.

“Nilinis ng PAGCOR ang kanilang regulation. From POGO, nagkaroon ng transition sa internet gaming licenses… Naging strikto ang pagpapatupad, wala nang tatanggapin na POGO applicant,” sinabi ni Laguesma sa isang forum.

“Nagbibigay pa rin po. In fact, itong nakaraang January to April, may na-issuehan na at least 8,000, pero ito ay internet gaming license permits, hindi ito POGO,” dagdag pa ng opisyal.

Kamakailan ay inanunsyo ng DOLE-NCR na ititigil nito ang pagbibigay ng AEPs sa mga dayuhang manggagawa na nagtatrabaho sa POGO hubs, at tatanggap lamang ng aplikasyon mula sa mga empleyado para sa internet gaming licenses.

“Tuloy pa rin ang pagbibigay subalit mas mahigpit ang requirements. Also, wala na pong workers sa internet gaming licenses na work from home, dapat onsite para closely ma-monitor sila,” ani Laguesma.

“Mayron kaming directive sa regional implementers, ‘yung continuous monitoring and inspection ng mga areas, so that we will be able to determine na sumusunod sila sa regulation ng ating bansa,” sinabi pa ng DOLE chief.

Mahigit 300,000 AEPs ang naisyu sa foreign workers mula 2019 hanggang 2023, kung saan nasa 70,000 dito ang kinansela dahil sa mga paglabag. RNT/JGC