MANILA, Philippines – Susundin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang sampung araw na pagbabawal sa pamamahagi ng lahat ng uri ng tulong na ipapataw ng Commission on Elections (Comelec) bago ang Eleksyon 2025, sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma.
Naglaan ang DOLE ng P2.2 bilyon para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged /Displaced Workers (TUPAD) Program.
Bahagi ito ng P2.57 bilyong pondo na ibinigay para sa DOLE Integrated Livelihood and Emergeny Employment Program (DILEEP) na binubuo ng TUPAD at DOLE Integrated Livelihood Program (DILP).
Nauna nang pinaalalahanan ni Comelec Chairman George Garcia ang publiko sa ayuda ban mula Mayo 2 hanggang Mayo 12 o sampung araw bago ang midterm elections.
Kabilang sa sinasabing ayuda ay ang Assistance to individuals in Crisis Situations (AICS), TUPAD, 4Ps at kontrobersyal na Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Ayon kay Laguesma, susunod ang DOLE sa ayuda ban ngunit magpapatuloy sa paghahatid ng social services kabilang sa mga apektado ng kamakailangang pagputok ng bulkan. Jocelyn Tabangcura-Domenden