SA ginanap na World Day for Safety and Health at Work 2026 sa Occupational Safety and Health Center nitong nakaraang Martes, pinatunayan ng Department of Labor and Employment sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng OSHC, Employees Compensation Commission, Bureau of Working Conditions at partners, na ang kaligtasan sa trabaho ay hindi lamang isang obligasyon—ito ay isang paninindigan.
Pinaunlakan natin ang imbitasyon ng OSHC upang makilahok sa isinagawang sessions bilang parte ng pagdiriwang sa Ichikawa Hall ng ahensya. Ating narinig mula sa magagaling na presenters at reactors ang komprehensibong pagsisikap na yakapin ang kabuuang kapakanan ng manggagawa, mula pisikal hanggang psychosocial na kalusugan.
Hindi biro ang lawak ng mga paksang tinalakay—mula sa burnout, work-life balance, hanggang sa workplace culture. Ang ganitong uri ng diskurso ay patunay na nauunawaan ng pamahalaan na ang modernong lugar ng trabaho ay hindi lamang umiikot sa produksyon, kundi sa tao mismo. Ang pagbibigay-diin sa mental health ay isang napapanahong hakbang para sa proteksyon ng mga manggagawa hindi lang sa Pilipinas kundi pati na rin sa buong mundo.
Kapansin-pansin din ang pagbibigay-pugay sa mga advocate at safety officer gayundin ang pagbabahagi ng mga kwento ng pagbangon ng mga biktima ng aksidente sa trabaho. Ito ay hindi lamang simbolikong pagkilala, kundi konkretong pagpapakita na may malasakit ang pamahalaan sa bawat Pilipinong manggagawa. Ang ceremonial signing ng MOA at pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor ay lalo pang nagpapatibay sa adbokasiyang ito.
Kung tutuusin, ang DOLE ay hindi lamang nagtataguyod ng mga patakaran—sila ay aktibong humuhubog ng kultura ng kaligtasan. Ang kanilang mga programa ay nagsisilbing gabay upang ang bawat organisasyon ay lumampas sa simpleng “compliance” at yakapin ang tunay na “commitment.”
Ang kaligtasan ay hindi dapat ipinipilit—ito ay kusang isinasabuhay. At sa liderato ng OSHC, ECC, BWC at DOLE, malinaw na ang direksyon ng bansa ay patungo sa isang mas ligtas, mas makatao, at mas responsableng mundo ng paggawa.
Kaya para kina Director Jomar Batino, Director Kaima Via Velasquez, Director Alvin Curada, DOLE senior officials, organizers, OSHC officials and staff at mga kalahok, MABUHAY!!!
∞∞∞
Hatid po natin ang pakikiramay kay OSHC Executive Director Jomar Batino at sa buong pamilya dahil sa pagpanaw ng kanilang ina.
∞∞∞






