MANILA, Philippine – Bumubuo ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga hakbang upang matugunan ang mga epekto ng 19 porsiyentong taripa na ipapataw ng gobyerno ng US sa mga produktong gawa sa Pilipinas.
Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ang epekto ng pagpapatupad ng taripa ay mararamdaman sa manufacturing sector.
Ayon sa kalihim, sa mga talakayan ngayon na may kaugnayan sa kalakalan at industriya, palaging may epekto sa ating mga manggagawa at mamumuhunan.
Aniya, hindi lamang manggagawa ang maaapektuhan kundi pati na rin ang mga investor.
Lagi aniya nilang binabantayan ang labor and employment plan at lagi silang may projection kung ilan ang malilikha at ilan ang mawawala.
Noong nakaraang linggo, inanunsyo ni US President Donald Trump na ang kanyang gobyerno ay magpapataw ng 19 porsiyentong taripa sa mga kalakal mula sa Pilipinas—mas mababa sa 20 porsiyento na una niyang inanunsyo. —Jocelyn Tabangcura-Domenden