KATHMANDU, Nepal — Humingi ang Nepal ng freezers, DNA testing kits, drones at specialized forensic assistance mula sa international community habang patuloy na dumarami ang mga bangkay na narekober matapos ang mapaminsalang flash floods sa Himalayas.
Sa pinakahuling briefing ng Nepal Ministry of Foreign Affairs nitong Setyembre 1, sinabi ng gobyerno na 1,010 bangkay na ang narekober habang nasa 4,000 katao pa ang hindi natatagpuan. Mahigit 11,800 naman ang nailigtas, kabilang ang daan-daang dayuhan.
Kabilang sa mga kagamitang hinihingi ng Kathmandu ang LiDAR technology para sa pagmamapa ng disaster-hit areas, high-capacity drones, DNA testing kits, freezers, gene sequencer, load carriers at mga bag para sa mga labi.
Humiling din ang Nepal ng Disaster Victim Identification assistance mula sa Singapore habang nakikipagtulungan na ang mga forensic expert mula India at China sa pagkilala sa mga nasawi.
Dahil sa dami ng mga bangkay at limitadong kapasidad para sa preservation, sinabi ng Nepalese government na pansamantalang inililibing ang ilang hindi pa nakikilalang labi matapos kunan ng DNA samples at iba pang forensic information upang maaari silang matukoy at maibalik sa kanilang pamilya kalaunan.
Patuloy din ang specialized rescue operations sa mga hydropower facility kung saan maraming manggagawa ang naiulat na nawawala. Nagpadala ang India at China ng tunnel rescue teams habang tumutulong din ang South Korea sa disaster response.
Nagsimula ang sakuna noong Agosto 26 matapos gumuho ang bahagi ng glacier sa Langtang mountain region, na nagpakawala ng napakalaking agos ng yelo, bato, putik at tubig patungo sa mga komunidad at imprastraktura sa Nepal-China border.
Sinabi ng Nepalese government na nagpapatuloy pa ang assessment sa pinsala sa mga bahay, kalsada, tulay at hydropower facilities at inaasahang kakailanganin ng malaking international assistance para sa rehabilitation at reconstruction. RNT