MANILA, Philippines — Humihingi ang Maritime Industry Authority (MARINA) ng tinatayang P250 milyong pondo para i-upgrade ang digital infrastructure nito at magtayo ng disaster recovery system kasunod ng cybersecurity incident na nakaapekto sa pagproseso ng mga dokumento ng mga seafarer.
Ayon sa MARINA, walang nakuhang personal data at walang nawalang impormasyon sa insidente sa kabila ng paulit-ulit na suspicious activities na nakita sa sistema. Bilang pag-iingat, pansamantalang isinara ng ahensya ang apektadong system.
“There was no loss of data, walang nakuhang data,” ayon kay MARINA Administrator Sonia Malaluan.
Sinabi ng ahensya na mula pa noong 2017 ang kasalukuyang digital infrastructure nito at hindi pa ito sumasailalim sa comprehensive technical refresh.
Humihingi ang MARINA ng humigit-kumulang P150 milyon para sa pagpapalit at pag-upgrade ng hardware at software sa mga tanggapan nito sa buong bansa. Dagdag na P100 milyon naman ang hinihingi para makapagtayo ng dedicated Disaster Recovery System na maaaring gamitin kapag nagkaroon muli ng malaking system disruption.
Ayon kay Malaluan, noong 2024 pa inihain ng ahensya ang pangangailangan para sa system upgrade ngunit hindi ito nabigyan ng pondo.
Samantala, sinimulan na ng MARINA ang unti-unting pagbabalik ng serbisyo para sa Seafarer’s Identity Document (SID) at Seafarer’s Record Book (SRB).
Mula Setyembre 1, maaari nang muling makatanggap ng aktuwal na SID card at SRB booklet ang mga seafarer na may agarang deployment requirements sa pamamagitan ng expedited processing sa MARINA Central Office.
Nakapag-isyu ang ahensya ng 2,492 temporary certifications mula Agosto 13 hanggang 29 habang hindi normal ang sistema. Nagbigay din ito ng isang taong extension sa mga nag-expire o malapit nang mag-expire na SIRB.
Target ng MARINA na maibalik nang buo ang SID/SRB issuance sa lahat ng regional offices nito sa loob ng Setyembre. RNT