MANILA, Philippines – Binalaan ni Senador Grace Poe nitong Sabado, Mayo 4 ang transportation officials na dapat ay maging handa ang mga ito sa anumang pagbusisi sa epekto ng PUV modernization ng pamahalaan.
Hiniling ni Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services, sa Department of Transportation (DOTr) na magpasa ng komprehensibong datos sa status, at revised timeline ng Public Utility Vehicle Modernization Program.
Nais din ng senador ng updated statistics sa consolidated jeepneys; bilang ng mga ruta na siniserbisyuhan nito, alternatibong ruta, at contingency plans para sa mga commuter.
Hiniling din niya sa Transportation Department na maglatag ng plano para sa mga drayber na mawawalan ng hanapbuhay dahil dito, at ang status ng implementasyon ng mga assistance programs ng ahensya.
“Sa ating mga kababayan, lalong-lalo na sa mga tsuper, alam naman ninyo na simula pa lang, ‘yung mga sinasabi ko sa DOTr na dapat isumite nila bago nila implementa ‘yung programa, ay gawin nila,” saad sa pahayag ni Poe.
“Kaya lang ang nakakalungkot nito, hanggang ngayon, hindi pa rin nila natutupad.”
Matatandaan na napaso na noong Abril 30 ang extended deadline para sa consolidation ng mga jeepney.
Samantala, hinimok ni Poe ang LTFRB na maglagay ng help desks sa buong bansa para tumulong sa mga drayber at operator na apektado ng modernization program.
“Dapat magtayo ng mga help desks ang LTFRB sa mga lugar na maabot nila para doon pwedeng mag-sign up ang ating mga tsuper kung anong pwedeng tulong mula sa gobyerno,” anang senador.
Titingnan din umano nito ang fund utilization ng mga nagdaang training programs para sa mga drayber kasunod ng ulat na milyon-milyong pondo ang hindi pa nagagamit.
“Kaya ang magagawa namin ngayon ay talagang ipatawag ang DOTr palagi at siguro sa susunod na budget ay pukpukin at talagang singilin sila doon sa mga hindi nila nagawa,” ani Poe. RNT/JGC