MANILA, Philippines – Nais makipagdayalogo ng Department of Transportation (DOTr) sa transport group na Manibela kaugnay ng kanilang planong tatlong-araw na welga sa susunod na linggo.
Inatasan ni DOTr Secretary Vince Dizon si Assistant Secretary Dioscoro Reyes na pangunahan ang usapan upang matugunan ang mga hinaing ng transport sector habang pinapanatili ang kaligtasan ng mga mananakay.
Ayon sa DOTr, kinikilala nila ang karapatan ng Manibela na ipahayag ang kanilang mga hinaing ngunit mas nais nilang magkaroon ng dayalogo.
Samantala, nakahanda naman ang DOTr, Land Transportation and Franchising Regulatory Board, at Metropolitan Manila Development Authority sa mga contingency measures tulad ng libreng sakay para sa mga apektadong commuters.
Inanunsyo ni Manibela chair Mar Valbuena ang strike dahil sa umano’y maling datos ng LTFRB hinggil sa konsolidasyon ng mga pampublikong sasakyan. RNT