MANILA, Philippines- Binalaan ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang Senado sa hindi inaasahang kahihinatnan sakaling suspendihin ng gobyerno ang pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na tinatawag na ngayong Public Transport Modernization Program (PTMP).
Inihayag ito ni Bautista sa kanyang liham kay Senate President Francis “Chiz” Escudero na may petsang Hulyo 29 o anim na araw matapos imungkahi ng Senate chief ang paghahain ng resolusyon na nananawagan sa pansamantalang suspensyon ng PUVMP rollout.
Inihirit ni Bautista kay Escudero na ikonsiderang ipagpaliban ang suspensyon ng PTMP.
Sa kanyang liham, nilinaw ni Bautista na ang PTMP ay hindi kailangan ng PUV operators at drivers upang agad na makabili ng modern PUV kapag may konsultasyon at unti-unting magaganap ang modernisasyon ng PUV sa susunod na tatlo hanggang apat na taon pagkatapos ng deadline ng konsolidasyon.
Tiniyak din ni Bautista sa Senado na ang Philippine National stancards (PNS) at ang Greenhouse Gas emission-comliant modern jeepney units na available sa merkado ay hindi limitado sa foreign at imported manufacturers.
Bukod dito, sinabi ni Bautista na nanatiling nakatuon ang DOTr upang ipreserba ang iconic design ng tradisyunal na jeepneys at hinikayat ang lahat ng local manufacturers at importers ng PUVs na tularan ang masining na disensyo ng mga tradisyunal na jeepney.
Larawan kuha ni Danny Querubin
Nilalayon ng PUVMP na nagsimula noong 2017 na palitan ang mga jeepney ng hindi bababa sa Euro 4-compliant engine upang mabawasan ang polusyon at palitan ang PUVs na hindi roadworthy ayon sa pamantayan ng Land Transporation Office (LTO). Jocelyn Tabangcura-Domenden