MANILA, Philippines – Nagpahayag si Sen. Panfilo Lacson ng “double relief” nitong Huwebes matapos pangalanan ang kapalit niya bilang pinuno ng Senate Blue Ribbon Committee – kasabay ng muling paggigiit na hindi siya titigil sa kanyang kampanya laban sa katiwalian.
Binigyang-diin ito ni Lacson matapos italaga si Sen. Pilar Juliana “Pia” Cayetano bilang bagong chairperson ng Blue Ribbon panel, isang linggo pagkatapos nagkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado.
“Double relief. I feel relieved that I am now relieved of my duties as the Senate Blue Ribbon Committee chairman,” aniya sa isang post sa kanyang X account.
Nauna nang ipinunto ni Lacson, na namuno sa imbestigasyon ng panel hinggil sa mga maanomalyang flood control projects, na ang lahat ng pinuno ng mga komite sa Senado ay inihahalal ng kanilang mga kapwa senador at nagsisilbi batay sa tiwala ng kanilang mga kasamahan.
Sa ilalim ng pamumuno ni Lacson, nakatulong ang Blue Ribbon Committee sa case buildup efforts laban sa ilang personalidad na iniuugnay sa isyu ng flood control.
Ngunit binigyang-diin din niya na ang pag-alis niya bilang chairperson ng Blue Ribbon Committee ay hindi magpapahina sa kanyang matagal nang laban kontra katiwalian at iba pang anyo ng maling gawain.
“I will continue to fight a corrupt and rotten system in the misuse and abuse of public funds as I have consistently done in the course of my long years in public service,” aniya. Ernie Reyes