MANILA, Philippines – Nakalaya na matapos makapagpiyansa ang district engineer na naaresto matapos tangkang suhulan ang isang kongresista ng Batangas para pigilan itong maglunsad ng imbestigasyon sa flood control projects.
Ayon kay Batangas Provincial Police Office chief Police Colonel Geovanny Emerick Sibalo, si Abelardo Calalo, district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ay nakalaya na nitong Huwebes, Agosto 28 matapos makapagpiyansa ng P150,000.
Noong Agosto 22, si Calalo ay inaresto matapos umanong tangkang suhulan si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste ng mahigit P3 milyon para kumbinsihin ang solon sa paglulunsad ng imbestigasyon sa maanomalyang proyekto.
Sa police report, ang suspek ay kinilala bilang isang district engineer sa Balayan, Batangas na naaresto sa isang operasyong ikinasa sa Barangay Poblacion Zone, Taal.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na bandang 4:30 ng hapon ay sinubukang alukin ng suspek si Leviste ng P3,126,900.
“According to Congressman Leviste, the bribe was extended in an attempt to dissuade him from initiating an investigation into alleged anomalies involving DPWH projects within the 1st District of Batangas,” sinabi sa police report.
“Congressman Leviste reported to authorities that resulted in the successful arrest of the suspect,” dagdag pa.
Narekober ng mga awtoridad ang P3,126,900 bilang ebidensya.
Ang suspek ay nasa kustodiya na ng Taal Municipal Police Station.
Ayon sa pulisya, si Calalo ay nahaharap sa reklamong corruption of public officials sa ilalim ng Revised Penal Code maging ang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Batangas Provincial Prosecutors Office.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek.
Noong Lunes, sinabi ng DPWH na sinibak na si Calalo sa tungkulin at inilagay sa preventive suspension. RNT/JGC