BULACAN, Philippines – Huli ang isang pulis na itinuturong lider ng “Gapos gang” na umanoy nanlimas ng pera ng isang bodega sa bayan ng Santa Maria nitong Agosto 27.
Sa report ni PLTCOL Voltaire Rivera hepe ng Santa Maria police station, naganap ang insidente bandang 2:30 ng hapon sa Brgy. Manggahan.
Kinilala ang suspek na si Police Staff Sergeant Miguel Andrew Oñate, 34, nakatalaga bilang Team Leader ng Motorcycle Patrol Unit sa Tanuan Component City police station sa Batangas.
Nabatid na pinasok ng grupo at nilimas ang pera ng isang bodega sa Brgy. Manggahan subalit nakita sa CCTV ang kanilang gamit na grey pick up at bumaba ang takip sa mukha ng suspek.
Sa hot pursuit operation ng Santa Maria police katuwang ang Provincial Intelligence Unit, RSOG-PRO3, CIDG-Bulacan at Tanauan police, nadakip rin kalaunan ang suspek na kanilang kabaro.
Positibong kinilala ng mga biktima na isa ito sa mga tumutok sa kanila ng baril nang iharap sa kanila ng mga awtoridad nitong Agosto 28.
Narekober sa suspek ang caliber .45 pistol, tatlong high capacity magazines, 12 bala, replica caliber .45 pistol, dalawang plate number, tatlong plastic bag ng barya, pitong Android smartphones, dalawang keypad phones, samurai, bolt cutter, 59 piraso ng cable ties.
Sinasabing sangkot din ang grupo sa paggapos sa mga biktima, paglimas ng pera sa isang bigasan sa bayan ng Bocaue at isang establisimento sa bayan ng Angat kamakailan.
Puspusan ang follow-up investigation para matunton ang iba pang mga kasamahan ng naarestong suspek na pawang mga armado.
Nahaharap sa patong-patong na kaso ang suspek habang nakakulong sa nasabing istasyon ng pulisya. (Dick Mirasol III)