MANILA, Philippines – Ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Martes ang flood-control operations sa Las Piñas City, kabilang ang paglalagay ng high-vacuum self-priming drainage trailer pump na layuning mapababa ang lebel ng tubig sa Alido River at makatulong para maiwasan ang pagbaha sa paligid ng ilog.
Sa kanyang pag-iinspeksyon, nasaksihan ng Pangulo ang paghigop ng tubig sa Alido at Zapote River gamit ang drainage pump ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Inobserbahan din ng Pangulo ang ginagawang dredging o paghuhukay ng DPWH sa Zapote River sa ilalim ng kanilang programang Oplan Kontra Baha.
“Effective naman ang ating ginagawa, ngunit alam naman natin na kulang pa rin ‘yan. Marami pa rin tayong kailangan gawin dahil itong… Halimbawa sa dredging, ngayon lang tayo nagde-dredge ulit na tinigil ng moratorium sa dredging for 12 years. So, 12 years walang dredging. Kaya’t pababaw nang pababaw ‘yung mga ilog natin, ‘yung mga spillway natin,” ayon sa Pangulo.
Sa kasagsagan ng bagyong Maymay at Habagat, nasalanta ng matinding pagbaha ang Las Piñas City matapos na hindi gumana ang kanilang pumping station, dahilan para magpadala na sa lugar at gamitin ang mobile drainage pump sa lugar.
Matapos ang inspeksyon, inutusan ni Pangulong Marcos si DPWH Secretary Vince Dizon na muling suriin ang plano upang matapos na ang matagal nang nabitin na pagkumpleto ng Las Piñas Spillway, na may malaking papel para masolusyunan ang malaking problema ng pagbaha sa Metro Manila.
Ayon sa Punong Ehekutibo, kailangang repasuhin na ng gobyerno ang umiiral na plano dito at malaman kung ano pa ang mga kailangang baguhin at ituloy na agad ang mga dapat gawin para matapos na ang spillway.
Binigyang-diin ng Pangulo na dekada na ang inabot ng spillway project pero hindi pa rin natatapos.
“Speaking of spillway, kailangan na talaga natin tapusin ‘yung spillway dito sa Las Piñas para may labasan ‘yung tubig, at matagal nang natigil ‘yang planong ‘yan. That plan has been in the works for – I don’t know, more than 10 years. Pero for some whatever reason, hindi natin nabuo at ngayon kailangan gagawin na natin,”dagdag ng Pangulo.
Bukod kay Secretary Dizon, sinamahan si Pangulong Marcos sa pag-iinspeksyon nina Las Piñas City Lone District Representative Mark Anthony Santos at Mayor April Aguilar. (KRIS JOSE)