MANILA, Philippines – Matinding kinastigo ni Senador Alan Peter Cayetano ang kabagalan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pag-iimbestiga sa bumagsak na Cabagan-Sta. Maria bridge.
Sa pahayag, sinabi ni Cayetano na hindi matukoy ng DPWH sa unang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa insidente dahil wala pang nasususpendi man lamang o natutukoy ang posibleng mananagot.
“Pasensya na, and I should tell this to the Public Works Secretary, pero parang hindi kayo seryoso sa imbestigsyon na ito. So far kasi wala kayong point person sa investigation and no one was preventively suspended,” ayon kay Cayetano.
Aniya, “Imagine, a billion-peso bridge collapsed pero wala ni isa sa DPWH ang may preventive suspension? What has to happen before ma-shock ang DPWH and act on it?”
Tinutukoy ni Cayetano ang insidente noong February 27 ng tumawid ang isang overloaded na dump truck sa Cabagan-Sta. Maria bridge na kaya bumagsak ang tulay na ikinasugat ng anim na katao.
Inabot ng higit isang dekada ang konstruksyon ng tulay. Nitong nakaraang buwan lamang din ito natapos at binuksan sa publiko.
Nadismaya ang senador nang malaman kay DPWH Undersecretary Eugenio Pipo na kahit dalawang linggo na ang nakalilipas ay wala pa silang natuklasan kung bakit ito gumuho.
Nagulat din siya dahil hanggang sa ngayon ay wala pang nabubuong komite ang ahensya upang imbestigahan ang insidente.
“If you had formed a committee on the same day the incident happened, looked into it even if you don’t have any findings yet, we would be at least satisfied or comfortable that it will come out soon. Nag-hearing na today, pero wala pa rin,” aniya.
Para kay Cayetano, dapat magpataw ng preventive suspension ang DPWH para mapanatili ang integridad ng imbestigasyon at maipakita sa publiko na ginagawa nila ang lahat upang itama ang sitwasyon.
“Walang personalan ang preventive suspension. It has a limited period of 15 days para matapos mo rin agad ang proyekto. Bibilisan mo yung investigation kasi kawawa naman y’ung tao na iyon,” sabi niya.
Nagpahayag din ng pagkadismaya si Cayetano dahil sa hindi pagsipot ni Secretary Manuel Bonoan gayong mabigat itong problema ng ahensya.
“We expect the secretary to be here kung ganito kabigat ang problema. I myself became a secretary. If ganito kabibigat na topic, I go myself and make time for it,” wika ng senador.
Bago matapos ang pagdinig, hiningi ni Cayetano sa DPWH ang mga papeles na may kinalaman sa tulay, kabilang ang mga test result, at ang pagtalaga ng isang point person sa imbestigasyon.
Nagpatawag uli siya ng isa pagdinig ng Blue Ribbon upang ipagpatuloy ang imbestigasyon. “This is a fact-finding investigation… I will be fair, but I will also be bold if there are problems,” sabi ni Cayetano. Ernie Reyes