Home NATIONWIDE 16 na miyembro ng BIFF at Dawlah Islamiya, sumuko

16 na miyembro ng BIFF at Dawlah Islamiya, sumuko

MAGUINDANAO DEL SUR- SUMUKO ang 16 na kasapi ng teroristang grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) kabilang Dawlah Islamiya, noong Biyernes sa lalawigang ito.

Sa ginanap na seremonya sa headquarters ng 6th Infantry Battalion na matatagpuan sa Barangay Buayan, Datu Piang, humarap ang 16 na sumukong terorista na pawang hindi pinangalanan kina Brig. Gen. Edgar Catu, commander ng 601st Infantry Brigade at Lt.Col. Lt. Col. Al Victor Burkley ng 6th IB.

Isinuko na rin ng terorista ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng improvised explosive devices, mga combat rifles at mga bala.

Nanumpa ang mga ito sa harap ng mga opisyales na susunod sa mga ipinapatupad na batas ng pamahalaan at nangakong mag babagong buhay.

Sinabi ng militar na ang dalawang grupo ang itinuturong responsable sa mga pambobomba sa dalawang rehiyon mula 2014.

Sinabi naman ni Major Gen. Donald Gumiran, commander ng 6th ID, umaasa silang sunod na sumuko ang mga nalalabing miyembro ng mga teroristang grupo sa Central Mindanao dahil lumiit na ang bilang ng mga ito. Mary Anne Sapico