Home HOME BANNER STORY DPWH Usec. Cabral, natagpuang patay sa Kennon Road

DPWH Usec. Cabral, natagpuang patay sa Kennon Road

327
0

MANILA, Philippines – Nasawi mula sa pagkakahulog sa bangin si Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral sa Kennon Road, ayon sa kumpirmasyon ng Benguet police nitong Biyernes.

Sinabi ni Police Major Peter Camsol, hepe ng Tuba Municipal Police Station, idineklara ng municipal doctor na si Dr. Gian Frances Salinas na wala nang buhay si Cabral sa tabi ng Bued River bandang alas-12:03 ng madaling araw.

Narekober ang kanyang mga labi dakong alas-12:30 ng umaga at dinala sa isang punerarya.

Sinabi ni Camsol na patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa mga pangyayari na nagdulot ng pagkamatay ni Cabral.

Una nang iniulat na natagpuan si Cabral na “unconscious and unresponsive” sa layong 20 hanggang 30 metro mula sa highway matapos ang umano’y pagkahulog.

Batay sa pulisya, bumiyahe si Cabral at ang kanyang driver sa Kennon Road patungong La Union noong Huwebes ng hapon nang hilingin niyang ibaba siya sa isang bahagi ng kalsada. Bumalik ang driver makalipas ang ilang oras ngunit hindi na siya nakita at humingi ng tulong sa pulisya.

Iniutos naman ng Office of the Ombudsman sa mga awtoridad sa Benguet na tiyakin ang kustodiya ng cellphone at iba pang gadgets ni Cabral.

“The Ombudsman’s office directs the authorities in Benguet to take custody of and preserve the cellphone and other gadgets of former Usec. Cathy Cabral,” ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, at idinagdag na “The same is to be turned over to the investigators at the proper time.”

Nagbitiw sa puwesto si Cabral noong Setyembre sa gitna ng mga imbestigasyon ng Kongreso kaugnay ng umano’y anomalya at kickback sa flood control projects, kabilang ang mga isinasagawang pagsisiyasat sa ghost at substandard na mga proyekto. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here