Home OPINION MGA KORAP BANTAYAN PA RIN

MGA KORAP BANTAYAN PA RIN

293
0

NATAPOS na ang bicameral conference committee meeting na binuo ng mga kongresman at senador para sa 2026 pambansang badyet.

Naayos na umano ang mga gusot sa pagitan ng mga kongresman at senador ukol sa maraming usapin, kabilang ang nasa P9 bilyong farm-to-market road, ang P45 bilyong tinapyas mula sa pondo ng Department of Public Works and Highways, ang earmarked na halaga o pondo para sa PhilHealth mula sa koleksyon sa Sin Tax Law, ang pondo ng Office of the Vice President, mga inihahabol at isinisingit na pondo na wala sa National Expenditure Program at iba pa.

Matapos ang hiwalay na plenary approval ng badyet ng Kamara at Senado, iimprenta ang panukalang badyet na matatawag nang General Appropriations Act of 2026.

Ipadadala ang GAA sa Office of the President para suriin ito at maaaring aprubahan ng Pangulo ito nang buo o ibe-veto at iba pa.

Posibleng mapirmahan ang GAA ngayon Disyembre para pagdating ng January 1. 2026, pede nang maglabas ang Palasyo ng salapi na gagastusin ng lahat ng sangay ng pamahalaan sa kanilang mga operasyon sa buong taong 2026.

HINDI PA TAPOS

Magkagayunman, hindi pa tapos ang lahat.

Gaya ng naganap sa nakaraang ilang taon, posibleng may mga problemang ating kahaharapin.

Kasama na rito ang posibleng hindi pagpapalabas ng mga pondo, gaya ng naranasan ng PhilHealth na walang natanggap na pondo noong 2024 at 2025.

Posible ring may hindi bibigyan na mga distrito na kalaban ng mga may hawak ng poder.

Posible pa ring may magma-magic kung saan dapat gamitin ang mga pondo at lihis sa dapat na paggagamitan.

Posibleng malipat ang kikbakan sa Department of Education na pinaglaanan ng bilyon-bilyong pondo sa paggawa ng mga classroom at gamit dito.

Alalahaning mismong ang DepEd na ang magpapagawa at kasali pa rin ang DPWH, bukod ang mga local government unit at pribadong kompanya.

Alalahaning iilan lang din sa mga mambabatas na kontraktor ang naiimbestigahan dahil pinipili lang ng mga imbestigador at tagausig o prosecutor ang kanilang mga kakantiin.

At nananatili rin sa kapangyarihan ang mga may hawak sa buong gobyerno na roon yumuyuko kahit sino sa pamahalaan at maiimpluwensyang indibidwal.

MAGBANTAY, MAGBANTAY

Ang mga kongresman, senador at ehekutibo, may kapangyarihan silang magbantay sa lahat ng mga pondong ipalalabas at proyektong gagawin.

Ang mga mamamayan?

Halos wala lalo na sa mga milagro at kikbakan.

Sinasabing magkakaroon ng mga observer na organisasyon at indibidwal sa mga pasubasta ng mga proyekto at sa paglalabas ng mga pondo, sa pagsasagawa at sa inspection ng mga proyekto subalit gaya ng karanasan, halos wala namang nangyayari rito.

Paano nga ba talaga magkaroon ang mga mamamayan ng epektibong partisipasyon sa pagbabantay sa lahat ng transaksyon ng gobyerno at mga opisyal at empleyado nito?

Ito’y para magkaroon sila ng boses na dapat agad mapakinggan ng lahat sa oras na makaamoy o makikita sila ng mga anomalya at kasunod na nito ang pagtutuwid ng mali.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here