Home METRO Drayber na nanagasa ng traffic enforcer sa Cebu, tinutugis na!

Drayber na nanagasa ng traffic enforcer sa Cebu, tinutugis na!

MANILA, Philippines – Humingi na ng tulong ang pulisya sa Cebu City sa Land Transportation Office (LTO) para matukoy ang pagkakakilanlan ng may-ari ng Sports Utility Vehicle (SUV) na bumangga sa traffic enforcer noong Setyembre 30.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Miguel Andeza, pinuno ng Traffic Enforcement Unit (TEU), nagpadala na sila ng request sa LTO para sa pangalan ng may-ari ng SUV.

Ani Andeza, tutuntunin nila ang drayber sa pamamagitan ng imahe na nakuha nila na nagpapakita ng plate number ng sasakyan na sangkot sa insidente na nangyari sa intersection ng F. Cabahug St. at Pope John Paul Avenue.

Hinimok din ng TEU chief ang mga netizen na tumulong para matukoy ang pagkakakilanlan ng drayber.

Posibleng maharap ang drayber sa reklamong reckless imprudence resulting to physical injuries.

Dagdag pa, ieendorso rin nila ang administrative charge laban sa kanya sa LTO para sa posibleng demerits.

Sa ulat, nagmamando ng trapiko ang traffic enforcer na si Jo Baculi nang banggain ng dumaang SUV bandang 6:20 ng gabi noong Setyembre 30.

Ani Andeza, dumiretso ang lalaking drayber sa biktima sa halip na lumiko.

Sinabi pa niya na nagawa pang makausap ni Baculi ang drayber nang tumayo siya mula sa pagkakatumba.

Dahil wala namang tinamong seryosong pinsala sa katawan ay agad na pinatawad ni Baculi ang drayber ng SUV.

Sa kabila nito, nag-viral pa rin ang video matapos i-share ni Cebu City Councilor Rey Gealon ang CCTV footage ng insidente online.

Nagbigay na ng utos si acting Mayor Raymond Alvin Garcia sa paghahain ng criminal charges laban sa drayber.

Inabisuhan din ni Andeza si Baculi na maghain ng kaukulang kaso upang magbigay ng babala sa ibang mga drayber na lalabag sa batas-trapiko. RNT/JGC