MANILA, Philippines – Napag-alaman ng Department of Education na lumabag ang isang pribadong ospital sa Valenzuela sa anti-detention law kaugnay sa unpaid medical bills ng ilang pasyente nito.
Sinabi ng DOH Health Facilities and Services Regulatory Bureau (HFSRB) na nilabag ng Allied Care Experts Medical Center (ACEMC) Valenzuela ang department standards sa dalawang kaso.
Matatandaan na naghain ng kani-kanilang reklamo sina Nerizza Zafra at Cheryluvic Ignacio laban sa ospital noong Abril at ipinakilala sa isang press conference na pinangunahan ni Mayor Wes Gatchalian noong Mayo.
Sinabi ng HFSRB na bigong mairehistro ng ACEMC ang birth certificate ng anak ni Zafra dahil sa kanilang outstanding fees, na lumalabag sa department circular at administrative order na agad irehistro ang kapanganakan ng isang bata anuman ang financial status ng mga magulang nito.
Samantala, si Ignacio ay hindi naman pinayagang kumuha ng promissory note para bayaran ang remaining balance nito nang siya nasa pasilidad pa dahil sa COVID-19.
Sa kanya namang kaso, nakita ng HFSRB ang ACEMC na “misrepresented a room with two beds but without a partition” bilang isang pribadong kwarto, taliwas sa COVID-19 response guidelines.
Nagpataw ang DOH ng P30,000 administrative fine sa naturang ospital.
Sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na, “The DOH will not tolerate and shall act on any administrative violations by our healthcare institutions.” RNT/JGC