MANILA, Philippines – May hawak nang profile ang Quezon City Police District sa driver ng sasakyan na tumakbo matapos makapagpa-full tank sa isang gasolinahan sa Balintawak, Quezon City.
Sa ulat, kita ang isang lalaki na bumaba sa puting sasakyan sa EDSA Caloocan hatinggabi ng Marso 22 ilang minuto bago ito nagpakarga sa target na gasolinahan sa Balintawak.
Sa iba pang anggulo ng CCTV, napag-alaman na may takip ang plaka nito sa likurang bahagi ng sasakyan.
Ayon sa pulisya, malaki ang tsansa na sa oras na ito ay tinakpan ng suspek ang likurang plaka ng kanyang sasakyan.
“More or less 5’2 to 5’5 yung height niya, wearing black shirt and pants at naka-slippers. Kitang-kita sa CCTV na lumabas siya at may chineck sa kanyang likuran. Isa pong magandang footage yan, malalaman na natin, ine-enhance na ng cybercrime group itong CCTV para lumiwanag at makita natin ang mukha niya,” pahayag ni Police Brigadier General Randy Glenn Silvio, Director ng Quezon City Police District, sa panayam ng ABSCBN News.
“Tuloy-tuloy po ang pag-iimbestiga natin sa case na ito. Ang mga tropa natin nasa field pa rin, nagre-review po ng forward at backtracking ng footages ng mga CCTV at meron na rin tayong suspect dito. Meron na rin tayong forward projection natin, meron din tayong tropang naka-standby sa NLEX, SLEX may mga numbers ng combination ng plaka na ni-request na tayo,” dagdag pa ni Silvio.
“Kung ako lang po ang nasa kanyang katayuan, mas maganda nang mag-report siya sa kanyang barangay at magpaliwanag at sumurrender para mas madali na ang pag-iimbestiga, habang tinatagalan niya yung pagtatago niya o hindi siya nagpapakilala.”
Nagpaabot na ng tulong ang pulisya sa pump attendant nang mapag-alaman na ikakaltas sa empleyado ang natangay na P5,196 halaga ng diesel sa naturang gasolinahan.
“Nag-contribute po yung ating mga police officers, from La Loma, para po tumulong sa gasoline boy,” sinabi pa ni Silvio.
Sa oras na maaresto ay mahaharap ang suspek sa reklamong estafa. RNT/JGC