MANILA, Philippines- Ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) nitong Martes ang driver ng isang Tesla electric car na tumakas matapos banggain at kaladkarin ang isang pasahero ng motorsiklo na lumapit sa kanyang sasakyan malapit sa Nuvali sa Santa Rosa, Laguna noong Setyembre 25.
Inihayag ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II nitong Martes na nagpalabas ng show cause order (SCO) base sa video na ipinost ng motoring news site VISOR sa insidente.
Sa video, tumigil ang Yamaha Sight motorcycle sa unahan ng isang dark blue Tesla electric sedan sa kahabaan ng isang one-lane road, dahilan upang huminto ang Tesla.
Nilapitan ng isa sa mga sakay ng motorsiklo ang sasakyan subalit umandar ito at nasapul ang papalapit na indibidwal.
Tinangkang habulin ng driver ng motorsiklo na papalapit din, ang Tesla subalit nakatakas ito.
Batay sa video caption na ipinost ng VISOR, makikita umanong ilang beses inunahan ng Tesla ang motorsiklo bago ang insidente.
“I immediately ordered the verification of this video and the incident was confirmed by a police report that our office obtained from the Santa Rosa Component City Police Station,” pahayag ni Mendoza.
Sa SCO na nilagdaan ni LTO-Calabarzon Director Elmer Decena, sinabi nitong natukoy na ang may-ari ng sasakyan ang nagmamaneho nito nang maganap ang insidente.
Iimbestigahan ang driver sa paglabag sa Article V, Section 48 ng Republic Act No. 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code.
Binigyan nito ang Tesla driver ng limang araw upang magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng disciplinary action. RNT/SA