MANILA, Philippines – Isang rider ang pinaghahanap ngayon ng pulisya makaraang pagbabarilin nito ang isang driver na nasa harapan ng kanyang bahay sa Brgy Molino 7, Bacoor City, Cavite.
Kaagad na namatay at hindi na umabot nang buhay sa Cavite East Hospital ang biktima na si alyas John 48, may-asawa, na residente ng Camella Springville Heights, ng nasabing lugar.
Batay sa nakasaksi sa insidente, naghuhugas ng mga kaldero ang biktima sa harapan ng kanyang bahay bandang ala-1:00 kamakalawa ng hapon nang nakarinig ito ng dalawang magkakasunod na putok ng baril, kasunod ng tunog ng motor na papatakas.
Inaalam naman ang pagkakakilanlan ng suspek na sakay ng isang hindi naplakahang motorsiklo na tumakas matapos ang insidente.
Bumulagta ang biktima sa semento at may tama ng bala ng baril sa ulo kaya agad na isinugod sa ospital subalit idineklarang dead on arrival.
Patuloy naman ang backtracking sa mga CCTV footages na posibleng dinaanan ng suspek. MARGIE BAUTISTA