Home METRO Dredging sa lahar ng Kanlaon, hiling ng LGU sa Negros

Dredging sa lahar ng Kanlaon, hiling ng LGU sa Negros

271
0

BACOLOD CITY, Philippines – Ang malalaking bulto ng mga volcanic debri mula sa bulkang Kanlaon ay tinangay at bumara sa mga daluyan ng tubig sa bayan ng La Castellana sa Negros Occidental noong Biyernes, na nagdulot ng pagbaha at paglikas ng mga residente.

Ang malakas na ulan na dulot ng Severe Tropical Storm “Opong” (internasyonal na pangalan: Bualoi) ay nagtangay ng mga debri ng bulkan na binubuo ng mga bato at buhangin na humigit-kumulang kalahating metro ang kapal sa highway sa Sitio Tamburong, Barangay Biak na Bato sa La Castellana, dahilan upang pansamantalang hindi madaanan ang kalsada ng madaling araw ng Biyernes, sabi ni Mayor AƱejo Nicor.

Isang trak ang na-stranded dahil sa bahang dinulot nito. Gayunpaman, kinaumagahan ay nadaanan na din ang nasabing kalsada matapos ang isinagawang clearing operation, aniya.

Umapaw naman ang Ibid Creek sa Barangay Biak na Bato nitong Huwebes at Biyernes dahil hanggang sa ngayon ay inaalis pa ang mga lahar sediment dulot ng nakaraang pagsabog ng bulkan at pag-ulan, aniya.

Nitong 4 p.m. ng Biyernes, 81 pamilya na binubuo ng 254 na indibidwal ang naapektuhan ng pagbaha sa Sitio Tamburong sa Biak na Bato, ani Remuel Lajo, pinuno ng La Castellana Incident Management Team.

Nangyari ang pagbaha noong Biyernes sa La Castellana kasabay ng pag-endorso ng Mt. Kanlaon Natural Park (MKNP) Protected Area Management Board kay Environment Secretary Raphael Lotilla sa isang kahilingan ni Gov. Eugenio Jose Lacson na pahintulutan siyang mag-isyu ng espesyal na permit na magpapahintulot sa mga pribadong kumpanya na linisin ang lahar sediments mula sa Ibid Creek.

Ang lalawigan at ang La Castellana ay naglilinis ng tone-toneladang deposito ng lahar sa creek ngunit hindi nito magawa nang mabilis para maiwasan ang mga baha, na naganap sa panahon ng malakas na pag-ulan noong Agosto at unang bahagi ng buwang ito.

Ang mga natanggal na lahar sediments ay hindi maalis mula sa lugar dahil ang Ibid Creek ay matatagpuan sa loob ng MKNP kung saan ipinagbabawal ang pagkuha ng mga materyales.

Ang pagpayag sa mga pribadong kontratista na mag-dredge at magtanggal ng lahar, na inaalok sa kanila ng pamahalaang panlalawigan para sa komersyal na gamit bilang construction materials, ay mangangailangan ng pag-apruba ng Department of Environment and Natural Resources.

Habang ang inisyal na pagtatantya ng lahar sediments na aalisin mula sa Ibid Creek ay 25,000 cubic meters (mga 8,800 tonelada), sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ang volume ay maaaring humigit-kumulang 100,000 cubic meters (mga 35,300 tonelada), dagdag ni Lacson.

Sinabi ni Lacson na humiling sila ng pag-aaral upang matukoy ang eksaktong dami ng lahar sediments sa creek, kabilang ang pag-assess sa upstream nito. Binigyang-diin niya na ang nararapat na ahensya ang siyang magdedetermina ng final volume.

Hiniling din ng gobernador sa DPWH na muling idisenyo ang Tamburong Bridge sa Biak-na-Bato, at sinabing ang kasalukuyang box culvert na disenyo ng tulay ay hindi perpekto para sa daloy ng mga sediment ng bulkan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here