Home METRO Driver kulong sa ninenok na P10M mamahaling relos

Driver kulong sa ninenok na P10M mamahaling relos

1
0

MANILA, Philippines — Arestado ang isang 54-anyos na driver matapos umano niyang tangayin ang tatlong luxury watch na nagkakahalaga ng halos ₱10 milyon habang naghahatid ng mga relo sa isang kliyente sa Fairview, Quezon City.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek sa alyas na “Sar,” residente ng Sampaloc, Manila at dalawang buwan pa lamang umanong nagtatrabaho bilang driver ng isang luxury watch store.

Ayon sa pulisya, iniwan umano ng suspek ang kanyang kasamahang empleyado matapos ang isang delivery noong Setyembre 10 at tumakas sakay ng company vehicle na may lamang Rolex, Bvlgari at Patek Philippe watches.

Kalaunan ay iniwan ang sasakyan sa isang parking area sa Quirino Highway bago umano sumakay ng jeep patungong Novaliches Bayan.

Sa follow-up operation, naaresto ang suspek noong Setyembre 12 sa Sampaloc, Manila.

Narekober sa kanya ang isang Patek Philippe na pinaniniwalaang kabilang sa mga tinangay na relo.

Ayon sa QCPD, inamin umano ng suspek na naibenta na niya ang Rolex at Bvlgari at natalo sa pagsusugal sa casino ang napagbentahan nito.

Nakakulong ang suspek sa Camp Karingal at nahaharap sa reklamong qualified theft habang patuloy na hinahanap ng pulisya ang dalawang hindi pa nababawang relo. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here