Home NATIONWIDE Mas mahigpit na road clearing, panawagan ni Gabriel Go matapos fire truck...

Mas mahigpit na road clearing, panawagan ni Gabriel Go matapos fire truck incident sa Makati

1
0

MANILA, Philippines — Nanawagan si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group–Strike Force chief Gabriel Go ng mas mahigpit na clearing operations laban sa mga sagabal sa kalsada matapos mahirapang makadaan ang isang fire truck sa Makati City.

Umani ng atensyon online ang video ng mga fire truck na rumeresponde sa sunog sa Macabulos Street, Barangay Bangkal noong Sabado, Setyembre 12.

Makikita sa video ang isang itim na sedan na naka-double park sa makitid na bahagi ng kalsada. Habang pilit na dumaraan ang fire truck, nasagi nito ang nakaparadang sasakyan.

Sa Facebook post, sinabi ni Go na maaaring makahadlang sa mabilis na pagresponde sa emergency ang double parking, mga tent sa pedestrian crossing, kariton at iba pang obstruction sa lansangan.

Binigyang-diin niya na mahalaga ang pagpapanatiling maluwag ng mga kalsada dahil bawat segundo ay kritikal para sa mga bumbero at iba pang emergency responder.

Aminado naman si Go na limitado ang espasyo sa ilang komunidad ngunit sinabi niyang kailangang magtulungan ang mga barangay, local government units, pribadong sektor at publiko upang mapanatiling maayos at madaanan ang mga lansangan. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here