Home HOME BANNER STORY Driver patay sa hinihinalang road rage sa Ayala tunnel EDSA

Driver patay sa hinihinalang road rage sa Ayala tunnel EDSA

MANILA, Philippines – Patay ang lalaking driver ng Toyota Innova matapos na makagitgitan ang isang Mercedes Benz sa south bound ng Ayala tunnel EDSA sa Makati City bandang 2:00 pm Mayo 28 makaraang barilin ng driver ng sedan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, isang tama ng bala ng hindi matukoy na kalibre ng baril ang tumapos sa buhay ng driver na naisugod pa sa ospital pero deklaradong dead on arrival.

Nakaligtas naman ang mag-inang sakay ng Innova na minamaneho ng naging biktima ng road rage.

Nadamay namang naaksidente ang dalawang motorcycle rider na parehong ligtas sa panganib.

Nagkagitgitan umano ang biktima at ang hindi pa nakilalang suspek na nakasakay sa Mercedes Benz.

Pagdating ng Ayala Tunnel ay binaril umano ng suspek ang biktima na nawalan ng kontrol sa minamanehong Innova dahilan para mabangga nito ang dalawang motorsiklo.

Nagdulot naman ng pagbagal ng daloy ng trapiko sa south bound ng EDSA-Makati City ang insidente na umabot hanggang Santolan ang bumper to bumper na pila ng mga sasakyan. (Dave Baluyot, James Catapusan)