Home OPINION SA 2K NALIBING NANG BUHAY, MAY PINOY BA?

SA 2K NALIBING NANG BUHAY, MAY PINOY BA?

KAMAKALAWA, unang iniulat ng ULTIMATUM ang taya ng United Nations na may 670 patay sa malaking landslide sa bansang Papua New Guinea o PNG.

Kahapon naman, mismong ang pamahalaan ni Papua New Guinea Prime Minister James Marape ang nagsasabing maaaring mahigit sa 2,000 ang nalibing nang buhay sa landslide sa Yambali village, Mount Mungalo, Enga province.

40,000 PINOY

Isa sa napakahalagang mga katanungan, mga Bro, ang posibilidad na may Pinoy na nadamay sa trahedya.

Alalahaning, iniuulat na nasa 40,000 Pinoy ang nasa PNG at nagtatrabaho sa iba’t ibang lugar roon.

Maraming bilang ‘yan.

Gusto nating magkaroon ng balita mula sa sinomang kinatawan ng Pilipinas sa bansang ‘yan.

Kung hindi naman, gusto nating makarinig ng balita mula sa Department of Foreign Affairs o Department of Migrant Workers natin.

May Pinoy nga bang nasama sa 2,000 nalibing nang buhay sa lugar?

Sana nga wala.

Pero kung meron, ano-ano ang mga dapat gawin, karamay ang kanilang mga pamilya sa Pinas?

PARANG BOMBA

Ayon sa mga nakatira sa lugar, parang pumutok na bomba umano ang naganap bago dumausdos at bumulwak ang mga boulder, lupa, putik, punongkahoy at iba pa mula sa nasabing bundok.

Parang katulad ito ng pagputok ng bundok sa Ginsaugon, St. Bernard, Leyte noong Pebrero 2006 na ikinamatay ng mahigit 1,400 katao.

Magkatulad ang nangyari sa Yambali Village sa PNG at Ginsaugon na unang inulan ng malakas at matagalan ang mga bundok sa kani-kanilang bundok bago nagkaroon ng landslide.

Pinalambot ng ulan ang mga lupang bundok at bato at nang malambot na malambot na ang mga ito, sumunod na ang pagkabiyak ng mga bundok na lumikha ng ingay na parang bomba at hayun na, dumausdos nang mabilis ang mga boulder, lupa, putik, puno at iba pa.

Walang natira, kahit matitibay na mga bahay at istruktura.

Hindi umubra ang kasabihang, “Matira ang matibay!”

MASAKIT NA KALAGAYAN

Hanggang ngayon, may mga landslide pa ring nagaganap kaya naman, napakadelikado ang pag-rescue sa sinomang buhay pa.

Noong unang mga araw, may mga sumisigaw na buhay pa mula sa ilalim ng lupa, ayon sa mga unang rumesponde.

Subalit habang nagtatagal, pang-5 araw na kahapon, tila tumigil na ang mga boses na humihiling ng tulong.

May mga bansa nang nagpadala ng tulong gaya ng Australia at dala ng mga ito ang mga kagamitan sa paghuhukay at pagliligtas.

Kumikilos na rin ang mga search and rescue team ng pamahalaang PNG at mga mamamayan.

May nahukay na silang mga bangkay ngunit iilan pa lamang.

Ang masaklap, pinipigilan ng ilang tagaroon ang paggamit ng mga heavy equipment sa takot nilang malibing na nang tuluyan ang pinaniniwalaan nilang mga kaanak o kalugar na buhay pa.

MAGHANDA SA PINAS

Muli, naririyan ang amba ng tag-ulan at tagbagyo na lumilikha ng mga landslide sa Pinas.

Nasaan na ang ating mga pag-iingat at paghahanda bago dumating ang mga landslide mula sa bagyo at ulan na maaaring samahan ng lindol?

Ang pamahalaan, ano na ang mga ginagawa nito sa mga landslide prone area na may maraming nakatira?