Home OPINION MGA PINOY SA M.E. BANTAYAN SA PANGANIB

MGA PINOY SA M.E. BANTAYAN SA PANGANIB

HINDI na basta manood na lang tayo sa mga nagaganap sa Gaza Strip at Israel.

Dapat may ginagawa na tayo, lalo na sa parte ng pamahalaan, para protektahan ang daan-daang libo o milyones na Pinoy na nakatira at nagtatrabaho sa Middle East.

Nitong mga huling araw, nagbabago na ang pakikitungo ng mga bansang Arabo sa Israel dahil sa maramihang pagpatay ng Israel sa mga Palestino sa Gaza.

Pinakahuling inalmahan ng halos lahat ng Arabong bansa ang pagbomba ng Israel sa isang refugee camp sa Rafa na ikinamatay on the spot ng mahigit 40 katao, karamihang babae at bata.

May 100,000 Palestino sa siksikang refugee camp at katabi lang ng UN Agency for Palestinian Refugees (UNRWA) al Tal al-Sultan.

Nang laglagan ng Israel bombers ng 2,000 pound na bomba at paputukan ng missile ang lugar, nagliyab ang mga tent at mga bahay na ikinasunog nang buhay ng mga namatay at nasugatan.

Agad na kinondena ang pangyayari ng mga bansang Jordan, Saudi Arabia at Egypt na katabi mismo ng Israel.

At sumunod na kumondena rito ang iba pang mga bansa gaya ng France, Germany, Turkey, Qatar, Spain, European Union, Labor Party ng United Kingdom, ilang lider ng Canada at United States, African Union Commission at iba pa.  

Dahil sa unti-unting o biglaang pag-angal ngayon sa ginagawa ng Israel sa mga Palestino na namatayan na ng mahigit 36,000 ng mga bansang kumakampi sa Israel at mga nagnyu-neutral na Arabong bansa, hindi masamang isipin na may nakaambang panganib sa mga overseas Filipino worker na milyones ang bilang sa nasabing rehiyon.

Ang Saudi Arabia lang na isa sa mga umangal, may halos 1 milyong OFW, sa Jordan, may 40,ooo at sa Israel mismo, may 30,000.

Paano kung sisiklab ang giyera, ano-ano ang mga gagawin para sa kaligtasan ng mga Pinoy?