Home HOME BANNER STORY ASG sub-leader utas sa Tawi-tawi; 3 parak sugatan

ASG sub-leader utas sa Tawi-tawi; 3 parak sugatan

MANILA, Philippines – Utas ang isang sub-leader ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) sa operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Tawi-Tawi nitong Martes ng madaling araw.

Sa panayam ng media sa Camp Crame, sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil na napatay si Udon Hasim sa 30 minutong bakbakan sa mga miyembro ng PNP Special Action Force (SAF), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at Intelligence Group (IG) sa Barangay Lahay-Lahay sa bayan ng Tandubas dakong 5 a.m.

Pinaputukan ni Hasim ang arresting team, dahilan para gumanti sila ng putok na nauwi sa engkuwentro.

Sa kabilang banda, tatlong pulis naman ang nasugatan sa bakbakan.

Si Hasim ay pinaghahanap para sa apat na bilang ng frustrated murder at 17 bilang ng pagpatay.

“Noong Hulyo 28, 2013, sangkot siya sa  pananambang na ikinamatay ng 23 sibilyan at ikinasugat ng 14 na iba pa sa Talipao, Sulu. Hindi lang siya member ng ASG, na-involve na rin siya sa illegal drugs last month, April 2024 in Bongao, Tawi-Tawi, yung mga tao niya na involved sa illegal drugs, namatay din,” ani Marbil.

Nasamsam sa operasyon ang ilang plastic sachet na naglalaman ng shabu, isang M14 rifle, isang M16 rifle, samu’t saring magazine at mga bala para sa M14 at M16, at isang bandolier.

Dinala ang bangkay ng suspek sa Tandubas Health Unit, habang ang mga sugatang tauhan ay dinala sa Ciudad Medical Zamboanga para magamot. Santi Celario