Home OPINION PILIIN ANG PILIPINAS

PILIIN ANG PILIPINAS

MUKHANG hindi masyadong maganda ang performance ng ating turismo noong 2023. Ayon sa datos ng ASEAN Skyline na konektado mismo sa Association of South-East Asian Nations o ASEAN, pang-anim ang Pilipinas sa dami ng mga turistang bumisita, na meron 5.6 milyon noong 2023.

Ang Top 3 ay ang Malaysia, Thailand at Singapore. Sumunod naman ang Vietnan at Indonesia. Ang nakagugulat at kasunod natin ang Cambodia na meron 5.4 milyon na turista. Naungusan na nga tayo ng Vietnam, eh baka ilang taon na lang, lampasan na rin tayo ng Cambodia.

Linawin lang natin na hindi kasama sa bilangan ang mga lokal na turista.

Maliit lang ang ambag ng turismo sa pambansang ekonomiya. Halos 6.2% lang ito ng Gross Domestic Product o GDP ng Pilipinas. Hindi naman nagkukulang ang Department of Tourism o DoT sa pag-engganyo na puntahan ang Pilipinas. Meron ding sapat na budget para sa marketing at seryoso naman ang mga programa ng ahensya para tulungan na ma-improve at gumanda ang mga pasilidad at serbisyo ng tourist attractions sa Pilipinas.

Pero bakit parang hindi nakinabang ang Pilipinas sa “revenge travel” ng mga turista pagkatapos ng pandemya? Marami kasi ang mga banta at hamon sa industriya ng turismo sa Pilipinas. Ayon na rin sa Philippine National Tourism Development Plan, kabilang dito ang mahinang kakayanan ng mga lokal na pamahalaan; mga patong-patong at nakakalitong mga batas at alituntunin sa turismo; kakulangan ng mga paliparan, pantalan at mga kalsada; mataas na konsentrasyon ng turismo na may limitadong pakikilahok ng mga lokal na komunidad; at ang pananaw na ang Pilipinas ay isang hindi ligtas na destinasyon.

Maski netizens ay naniniwalang mas mura pa nga minsan ang mangibang-bansa kaysa magbakasyon sa mga popular na detinasyon dito sa Pilipinas. Halimbawa daw, pag nag-sale ang mga airlines, di hamak na mas maliit ang gastos na magpunta sa Hong Kong, Macao o Bagkok, kaysa magpunta sa mga tourist spot sa Visayas o Mindanao.

Malaki ang potensyal natin bilang archipelago at libu-libong mga isla para puntahan ng mas maraming mga Pilipino at mga dayuhang bisita. Sana ay maresolba ang mga isyu ng turismo, para higit itong makatulong sa ating pagbangon at paglago.