MANILA, Philippines – Tikom pa rin ang bibig ng driver ng SUV na sumalpok sa Departure West Curbside Area ng NAIA Terminal 1 nitong May 4, na ikinasawi ng dalawa at ikinasugat ng ilang katao.
Nabatid na ang Public Attorney’s Office (PAO) ang kakatawan sa drayber ng SUV dahil sa kawalan nito ng sariling abogado na kakatawan sa kanya.
Sinabi ni Atty. Revelyn Ramos-Dacpano, Regional Public Attorney at Head Executive Support Staff ng PAO-NCR, hindi pa rin nakipag-usap sa mga PAO lawyers ang drayber at sa halip ay nagsumite ito ng dokumento na nagsasabi na siya ay may mental block.
“Basta ang sagot lang daw niya is mental block. Yon lang daw ang sinagot niya sa lawyer natin, wala na,” ani Ramos-Dacpano.
Nilinaw ni Ramos-Dacpano na hindi niya maaring pwersahin ang drayber na magsalita at magpaliwanag hinggil sa sinasabi nitong mental block.
Hinihintay pa rin ng PAO na makipag-ugnayan sa kanila ang may-ari ng SUV. Sinabi kamakailan ng Aviation Security Unit na hinatid lamang ng naturang company driver ang kanyang amo sa airport.
Samantala, naniniwala ang PAO na maaring maglagak ng piyansa ang drayber ng SUV dahil ang parusa na katapat ng kasong kinakaharap ay sakop ng correctional level, na mula dalawa hanggang anim na taon na pagkakulong.
Ang SUV driver ay isinailalim na sa inquest proceeding sa Pasay City Prosecutor’s Office. Nahaharap ito sa reckless imprudence resulting in two counts of homicide, multiple physical injuries, at damage to property. Teresa Tavares