Home NATIONWIDE Drivers’ license ng 98 drayber na nagpositibo sa drug test noong Semana...

Drivers’ license ng 98 drayber na nagpositibo sa drug test noong Semana Santa, binawi ng LTO

MANILA, Philippines – Binawi ng LTO ang drivers’ license ng 98 drayber na nagpositibo sa drug test noong Semana Santa, maging ang drayber ng bus sa SCTEX crash.

Alinsunod sa tagubilin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada, ang Land Transportation Office (LTO), ay binawi ang lisensiya sa pagmamaneho ng 98 public utility vehicle (PUV) drivers na nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga noong Semana Santa.

Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na ang 98 PUV drivers, kabilang ang mga bus driver, ay papatawan din ng perpetual disqualification sa pagkuha ng driver’s license.

“Ang desisyong ito ay alinsunod sa deklarasyon ng ating DOTr Sec. Vince Dizon tungkol sa pangangailangan natin sa gobyerno na labanan ang mga maling driver na ito para sa kaligtasan ng mga gumagamit ng kalsada,” ani Asec Mendoza.

“Ang pagkuha ng lisensiya sa pagmamaneho ay hindi karapatan, ito ay isang pribilehiyo na ibinibigay ng pambansang pamahalaan sa ilalim ng kondisyon na ikaw ay kumilos at maging responsableng tsuper. Kung lalabag ka sa kondisyong ito, ang pribilehiyong ito ay babawiin katulad ng aming desisyon kaugnay ng 98 PUV drivers na nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga,” dagdag pa ni Mendoza.

Kasabay nito, sinabi ng LTO chief na binawi rin ang lisensya ng driver ng bus sa SCTEX road accident na ikinamatay ng 10 katao, at idinagdag na bahagi ng parusa ang lifetime ban para makakuha ng driver’s license.

Ang pagtanggi ng bus driver na sumailalim sa drug test ang naging batayan ng desisyon.

Sa isang press briefing, sinabi ni Secretary Dizon na ito ang unang pagkakataon na naglabas ang LTO ng revocation order ng driver’s license sa malaking bilang ng mga public utility vehicle (PUV) drivers. Santi Celario