MANILA, Philippines – NANGAKO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na mauulit ang kalunus-lunos na road accidents dahil inatasan na niya ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na magpatupad ng kinakailangang reporma para mapigilan ang pagkawala ng buhay.
Sa kanyang video message, nagpahayag ng kanyang taus-pusong pakikiramay si Pangulong Marcos sa lahat ng pamilya na nawalan ng mahal sa buhay at sa mga nasaktan sa kamakailan lamang na aksidente sa SCTEX toll plaza at NAIA Terminal 1.
“These incidents should never have happened. And now, we will ensure they never happen again,” ayon kay Pangulong Marcos.
Sa katunayan aniya ay inatasan na niya si Transportation Secretary Vince Dizon na gumalaw nang tiyak partikular na ang tukuyin at papanagutin ang mga responsable sa aksidente.
Nais din ni Pangulong Marcos na maglagay ng kinakailangang reporma para mapigilan ang pagkawala ng buhay.
Kabilang aniya sa ipatutupad ng gobyerno ang pagrerepaso ng ‘driver licensing’ upang masiguro na “only fit, capable, and responsible individuals” maging ito man ay magda-drive sa publiko o pribadong sasakyan ang papayagan sa lansagan; isang pambansang audit ng bus operators, na may malinaw na parusa para sa mga mabibigong tumalima sa ‘safety at maintenance standards’; at direktiba sa Department of Labor na lansagin ang ‘unsafe at exploitative practices’ sa transport sector dahil ang driver fatigue, long hours, at pressure’ para ma-meet ang quota ay dapat na hindi nailalagay ang buhay sa panganib.
Ipinangako rin ni Pangulong Marcos na ang buhay ng mga biktima ay hindi dapat nawawala dahil lamang sa walang kapararakan o walang kabuluhan
”We owe it to the victims and their families to act—not only with sympathy, but with resolve,” ayon sa Chief Executive.
”We will make the changes that need to be made. We will demand accountability where it is due. And we will build a transport system that truly protects Filipino people,” aniya pa rin.
Sa ulat, 10 indibiduwal kabilang na ang apat na bata, ang nasawi sa isang multiple-vehicle collision sa Tarlac City Toll Plaza sa Subic-Clark-Tarlac Expressway, noong nakaraang Huwebes.
Dalawang iba pang indibiduwal ang nasawi, araw ng Linggo nang araruhin ng SUV ang departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1. Kris Jose