MANILA, Philippines – Isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng Cavite Police kaugnay sa natagpuan na isang Lexus Van na pinaniniwalaang inabandona at umano’y ginamit sa pagdukot sa isang dayuhan sa Tagaytay City.
Sa report ng pulisya, nakipag-ugnayan na rin sa Cavite Land Transportation Office (LTO) para sa pagkakakilalan ng may ari ng isang Lexus van na puti at may plakang NFN 9274.
Batay sa nakalap na impormasyon, nakatanggap ng report ang Tagaytay Component City Police Station hinggil sa isang insidente ng pagdukot sa isang dayuhan at ang ginamit na sasakyan ay isang puting Lexus van kaya agad na inalerto at nakipag-ugnayan ang kapulisan ng Tagaytay CCPS sa mga kalapit bayan at lungsod dito.
Nagsagawa na rin ng dragnet operation ang pulisya at gumamit ng drone kung saan dito namataan ang abandonadong sasakyan sa isang dumping area sa New Bypass Road sa Brgy Patutong Malaki North, Tagaytay City.
Nang buksan at tingnan ang loob ng sasakyan ay wala nang tao rito. MARGIE BAUTISTA