MANILA, Philippines – Nagtapos sa senior high school ang 11 persons deprived of liberty (PDLs) at 25 na bagong laya na indibidwal mula sa Quezon City Jail Male Dormitory (QCJMD).
Ang pag-graduate ng mga ito ay sa ilalim ng education behind bars program ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sa isang kalatas, sinabi ng QCJMD na ang pagtatapos ng mga PDL ay nagsisilbing paalala na hindi hadlang ang pagiging bilanggo para makapagtapos ng edukasyon.
“These individuals were given a second chance to pursue senior high school education and build a brighter future,” saad sa pahayag.
Hinikayat naman ni Alternative Learning System (ALS) supervisor Roger Tamondong ang mga graduates na ituloy ang pagiging productive contributors sa lipunan.
Ayon sa QCJMD, dumalo sa graduation ang magulang ng mga PDL at mga bagong laya.
Pinuri ni QCJMD warden Supt. Warren Geronimo ang mga graduate at iginiit ang kahalagahan ng pagkakaroon ng karunungan.
Hindi lamang aniya ito itinuturing na personal achievement ng PDL kundi isang makapangyarihan na simbolo ng pagbabago at pag-asa sa bagong Pilipinas. TERESA TAVARES