BATAAN- Sa kulungan na nagdiwang ng Pasko ang isang 50-anyos na lalaki matapos masapul at makorner sa ikinasang operasyon ng pulisya makaraang makumpiskahan ng ilang pakete ng suspected dried marijuana leaves at shabu nitong bisperas ng Pasko, Disyembre 24 sa sa Barangay Pentor, Dinalupihan.
Batay sa ulat ni DINALUPIHAN Municipal Police Station Chief of Police Lt.Col.Marcelino Marcos Telloza Kay Central Luzon Police Director Brigadier General Ponce Rogelio Peñones Jr., nadakip ang suspek bunsod ng sumbong ng mga concerned citizen dahil sa nakaka-perwisyong iligal na gawain umano ng suspek.
Kinilala ng pulisya ang naarestong suspek na si alyas “Dimas”, 50 anyos na isang drug personality sa naturang lugar.
Naaresto ang suspek sa bisa ng Search Warrant na inisyu ng Korte para halughugin ang bahay nito sa nabanggit na lugar.
Sa paghahalughog ng mga awtoridad, nadiskubre sa bahay ng suspek at nasamsam ang dalawang pakete ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nakalagay sa plastic container at timbang ng higit 53 grams at 7 pakete ng suspected shabu na may timbang na higit 18 grams na nakalagay sa isang coin purse.
Nasa kustodiya na nang pulisya ang suspek na nagdiwang ng kapaskuhan sa loob ng kulungan at ito rin ang ikalawang pagkakataon na makulong sa parehong kaso ng iligal na droga.
Mahaharap ang suspek sa kasong pag-iingat ng ipinagbabawal na droga sa ilalim ng Dangerous Drug Law. ROEL TARAYAO