MANILA, Philippines — Nagtala ng mahinang ash emission ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island nitong Biyernes ng umaga, Disyembre 26, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa ulat ng ahensya, nagbuga ng abo ang bunganga ng bulkan mula alas-6:27 ng umaga hanggang alas-10:11 ng umaga, base sa time-lapse footage na kuha ng kanilang IP camera.
Ayon sa Phivolcs, ang bugso ng abo ay nagluwal ng kulay-abong ulap na umabot sa tinatayang 400 metro ang taas mula sa bunganga bago ito inanod pa-timog-kanluran.
Nanatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Kanlaon na nangangahulugang may patuloy na pagtaas ng aktibidad at posibleng makaranas ng biglaang steam-driven o phreatic eruptions.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng apat na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) gayundin ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan. RNT/JGC