Home NATIONWIDE Drug war reward system kinumpirma ni Duterte

Drug war reward system kinumpirma ni Duterte

MANILA, Philippines – Kinumpirma ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na mayroong reward system para sa mga pulis sa kasagsagan ng anti drug campaign ng administrasyon.

Sa pagtatanong ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, inamin ni Duterte na mayroong monetary incentives sa mga pulis.

“Reward? Correct. Very correct. Talagang totoo. At minsan bigyan ko pa dagdag,” pahayag ni Duterte.

Matatandaan na una nang ibinunyag ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma na mayroong reward system sa panahon ng drug war na kaparehas ng sistema sa “Davao Model” na ginagawa ng Davao Death Squad.

Sinabi ni Garma na ang cash rewards sa mga drug-related killings ay mula P20,000 hanggang P1 million depende sa target.

Ipinaliwanag ni Duterte na ang financial support sa mga pulis para sa drug war ay kailangan para na rin sa isinasagawang police operations.

“If there is an operation which is not funded by the police, you have to provide. I sometimes gave extra as a reward” dagdag pa ni Duterte.

Sa tanong ni Manuel kung galing ang nasabing pondo sa Office of the President’s confidential at intelligence budgets ay sinang-ayunan ito ni Duterte subalit nang tanungin kung paano ito ginagastos ay tumanggi na ang dating Pangulo na idetalye ito.

“Kaya tinawag ‘yan, Sir, ng intelligence fund na confidential. Kaya huwag kang magtanong kung anong confidential ginawa ko,” ani Duterte.

Sa naunang pagdinig ng QuadComm ay lumabas ang pangalang “Muking” na siyang nagbibigay ng pera sa mga pulis.

Kinumpirma ni Duterte na si Muking na ang tunay na pangalan ay Irmina Espino ay dating nasa Presidential Management Staff (PMS).

Sa pahayag ni Garma, si Muking ay staff ni Sen. Bong Go, at malaki ang naging papel nito sa financial operations ng drug war at sa reward system. Gail Mendoza